Hinostage ang pamilya ni Dauin, Negros Oriental Mayor Galicano Truita sa loob ng kanilang bahay noong Sabado, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Suspek sa pangho-hostage ang matagal na nilang family driver na si Venerando Dalope.
Biktima sa insidente ang asawa, anak at dalawang kasambahay ng mayor.
Nalaman ng pulisya ang insidente nang tawagan sila ni Mayor Truita na noon ay nasa Maynila. Armado raw ang suspek ng tatlong baril.
Humingi ng tulong ang pulisya sa SWAT o Special Weapons And Tactics Team at nagkaroon ng negosasyon.
Umabot ng pitong oras bago sumuko ang suspek sa otoridad.
Itinanggi ni Dalope, na ngayon ay nakakulong na, na may dala siyang mga baril. Hindi rin daw niya sinaktan ang mga biktima.
Ayon kay Dalope, magulo ang utak niya sa dami ng mga problema.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunin ang panig ni Mayor Truita tungkol sa nangyari. —KBK, GMA News