Isang ama ang nasawi nang mamagitan siya sa pagtatalo ng kaniyang anak at lalaking naniningil umano ng pautang na mahigit P1,000 sa Cavite.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Mario Napili, 66-anyos, ng Barangay F. Reyes sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Sugatan naman ang kaniyang anak na si Marlon, 35-anyos.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Corpuz, OIC, GMA Police station, nagtungo sa bahay ng mga biktima ang suspek na si Fahad Datu Sapadas para singilin si Marlon.
Pero nauwi sa mainit na pagtatalo ang usapan kaya pumagitna si Mario.
Hanggang sa magpaputok ng baril ang suspek at napuruhan sa tiyan si Mario, na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
"Pinipilit niya [suspek] na talagang mabayaran nang buo yung utang sa kaniya. At yung mga sinasabi according nga dun sa anak pati yung mga utang ng pinsan niya ay siya ang pinagbabayad," ayon Corpuz.
Tumakas ang suspek pero nadakip din sa follow-up operation sa inuupahan niyang bahay sa Muntinglupa.
Nahaharap ang suspek sa reklamong murder at frustrated murder. --FRJ, GMA News