Isang 'magtatandok' o albularyo sa Sta. Catalina, Ilocos Sur ang nasawi dahil sa rabies. Ang biktima, nakagat umano ng aso dalawang buwan na ang nakararaan at ginamot ang sarili.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lorante Dela Cruz, 49-anyos, ng Barangay Paratong.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, nitong May 13 nang makagat ng aso si Dela Cruz na kaniyang nadaanan. Pero sa halip na magpunta sa duktor para ipasuri ang tinamong kagat sa paa, ginamot na lang ng biktima ang sarili.
Makalipas ang dalawang buwan, lumala ang kaniyang kalagayan, at pagkaraan ng dalawang ay binawian na ng buhay.
Ayon kay Dr. Loida Ranches, Vigan City Health Officer, kabilang sa sintomas ng rabies ay takot sa tubig, takot sa hangin, at hindi na alam ang nangyayari sa paligid, at nawawala na sa sarili.
Na-creamate na ang mga labi ni Dela Cruz pero naghihinakit ang kaniyang pamilya dahil walang umaamin kung kanino ang aso na nakakagat sa biktima.
Payo ng awtoridad kapag nakagat ng aso, hugasan ng mabuti ang sugat, at magtungo sa animal bite treatment center, at magpabakuna kontra-rabies.
Huwag din papatayin ang aso na nakakagat at obserbahan ito. Kapag namatay ang aso pagkaraan ng 14 araw sa observation period, tanggalin ang ulo ng aso at dalhin sa veterinary office para masuri. --FRJ, GMA News