SAN NARCISO, Quezon - Anim na bahay ang winasak ng buhawi sa Sitio Scuba at Sitio Pantay ng Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon bago mag-alas sais ng gabi nitong Lunes.
Ang pananalasa, navideohan ng isang residente na nawasakan din ng bahay matapos daanan ng buhawi.
Kuwento ni Jhaniel Martinez, pasado alas-singko ng hapon nang biglang magdilim ang kalangitan.
Nasa tabing-dagat daw sila noon at nag-aayos ng mga lambat nang mapansin nilang umiikot ang tubig sa dagat hanggang sa lumakas na ang hangin.
Nang makita nila na namumuo na ang buhawi ay agad silang nagtakbuhan papasok ng kanilang bahay. Tila hinabol daw sila ng buhawi.
Sa video, kitang-kita ang unti-unting pagkawasak ng bahay nila Jhaniel. Unang nailipad ng buhawi ang bubong nito.
Malakas na hangin na sinabayan ng ulan ang pananalasa ng buhawi.
Nang makalampas sa kanilang bahay ang buhawi ay makikita sa video ang nagliliparan na sanga ng punongkahoy at mga yero.
Tumagal ng halos 12 minuto ang pananalasa ng buhawi sa Barangay Scuba.
Makikita rin sa video ang pagwawagayway ng walis tingting ng ilang residente. May paniniwala raw na kapag nagwagayway ka ng walis tingting o itak ay lalayo ang buhawi.
Matapos ang pananalasa sa Barangay Scuba ay tumahak sa kapatagan ang buhawi at tumuloy sa Barangay Pantay kung saan mga puno ng saging naman ang binuwal.
Nitong araw ng Martes ay tumambad ang pinsala ng dumaang buhawi.
Kanya-kanyang pagkukumpuni ng nasirang bahay ang mga residente.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan.
Nagsasagawa na ng assessment ang local government ng San Narciso. —KG, GMA News