Patay ang isang 20-anyos na lalaki habang kritikal naman ang kanyang ama matapos silang masalpok ng isang van sa Maharlika Highway sa Barangay Biyan, Calauag, Quezon.
Base sa report ng Calauag Municipal Police Station, lulan ng kanilang tricycle ang mga biktima pasado alas-dose kaninang madaling-araw at patungo sana sa bayan ng Calauag upang mag-deliver ng isda mula sa Camarines Norte.
Sinubukan daw mag-overtake ng van sa tricycle subalit nag-alangan ito at nasalpok sa likod ang tricycle.
Sa tindi ng pagsalpok ay tumilapon ang dalawang biktima, bumaliktad ang tricycle, at nagkalat sa highway ang mga isda na karga nito.
Mabilis na na-rescue ang dalawang biktima subalit binawian ng buhay sa pagamutan si Jetlee Lat.
Kritikal naman ang kondisyon ng kanyang ama na siyang nagmamaneho ng tricycle nang sila ay salpukin ng van.
Inilipat na ang pasyente sa pagamutan sa Naga City, Camarines Sur.
Nagtamo ang mga biktima ng matinding head injury, mga sugat at bone fracture.
Hawak na ng nga pulis-Calauag ang driver ng van.
Nakatakdang magharap ngayong hapon ang mga kaanak ng biktima at may-ari van na sumalpok sa tricycle. —LBG, GMA News