Naaresto na ang isang lalaki na sumaksak at pumatay umano sa kaniyang kapitbahay nang dahil lang sa ipinagawang cellphone na hindi natapos sa Antipolo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang inarestong suspek na si Rico Espina, na umano'y pumatay sa biktimang si Alvin Alvero.

Nadakip si Espina sa liblib na sitio sa Barangay San Isidro, matapos na isilbi sa kaniya ng mga operatiba ng Criminal Investigation Detection Group ng Rizal ang warrant of arrest laban sa kaniya.

Ayon sa ulat, Abril 2020 nang mapatay umano ni Espina at ng isa pa niyang kasama ang kanilang kapitbahay nilang si Alvero.

Nagtamo ng multiple stab wounds sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima, ayon kay Police Lieutenant Melchor Muñoz, Deputy Provincial Officer ng CIDG-Rizal.

Ayon sa pulisya, nagpagawa ng cellphone ang mga suspek kay Alvero, isang technician, pero nito natapos ang trabaho.

"Hindi niya (biktima) natapos 'yung cellphone na ginawa, nagtanim siya (suspek) ng galit kaya sinaksak niya po ito," sabi ni Muñoz.

Pero paliwanag ni Espina, inawat niya lang si Alvero, pero nagalit ito at may tinutok umano sa kaniya.

"Sa taranta ko, hindi ko alam kung sumpak o shotgun, 'yung kutsilyo napulot ko, sinabayan ko na," sabi ni Espina, na nagsisisi raw sa kaniyang nagawa.

"Patawarin niyo na ako tsaka kung ano man ang kahilingan nila, hangga't kakayanin ko kung magkano ang hihingiin nila, bibigyan ko sila, pag-iipunan ko po," sabi ni Espina.

Pero desidido ang pamilya ng biktima na ituloy ang kaso. Nauna nang naaresto ang isa pang suspek.

"Buhay po ang nawala sa amin. Baka makagawa pa siya (suspek) ng krimen, balikan pa kami," sabi ni "Mang Ferdie" ama ng biktima. --Jamil Santos/FRJ, GMA News