Dalawang traffic enforcer ang binaril at napatay ng riding in tandem na kanilang sinita sa Cardona, Rizal. Ang mga salarin, nakatakas.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing unang pinara ng traffic enforcer ang mga salarin matapos mag-counterflow sa tapat ng Cardona municipal hall dakong 3:00 am nitong Huwebes.

Pero hindi tumigil ang dalawang salarin kaya hinabol sila ng traffic enforcer na sumakay sa motorsiklo.

Pagdating sa isang kanto sa Barangay Real, doon na sila naharang ng mga traffic enforcer na sina Jose Marcel Julian, Angelito Tansingco at Kevin Jerome Cruz.

Nang pigilan ang riding in tandem na umalis, bumaba ang angkas nito at pinagbabaril ang mga biktima.

Nasawi sina Julian at Tansingco, habang sugatan naman si Cruz.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang ginawang pamamaril.

“Malapitan yung pagbaril niya roon sa enforcer at walang hesitation. Pagputok niya roon sa isa, tuloy-tuloy sa dalawa pang kasama.Wala kaming ibang nakikitang motibo kundi iyong napakasimpleng traffic violation,” ayon kay Police Captain Reynaldo Año, hepe ng Cardona Police.

Nakikipag-ugnayan na ang Cardona police sa iba pang police station sa Rizal para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News