Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang miyembro umano ng isang gun-for-hire group na nasa likod ng pagpatay sa isang lalaki sa Alfonso, Cavite sa halagang P20,000.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing itinumba ng mga suspek ang biktimang si Manuel Mojica Barrera, 57-anyos, noong July 10 sa bahay nito.
Apat na tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima.
Mabilis na tumakas noon ang mga suspek sakay ng motorsiklo. Kinalaunan, natunton ang kanilang sasakyan sa Naic na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang sina Eric Tanega at Edwin Montaño.
Nakuha sa kanilang isang .357 magnum na baril at isang kalibre .9mm, na tugma raw sa basyo ng mga bala na nakita sa pinangyarihan ng krimen, ayon sa pulisya.
“May ibibigay sa kanilang envelope, napapaloob dun yung description ng tao, ‘yung address, at yung pera. Pag-aaralan nila kung ilang araw na meron silang spotter na magke-casing ng lugar. Iba yung driver ng motor, iba yung gunman. Binayaran po sila ng halagang P20,000,” sabi Police Major Rommel Dimaala, Alfonso, Cavite Police chief.
Positibong kinilala ng asawa ng biktima ang mga suspek. Aniya, tinangka ng kaniyang mister na magtago sa kusina pero sinundan pa ito.
Ayon sa mga awtoridad, away sa lupa ang ugat ng krimen, at kasangkot ang isang kaanak ng mga biktima.
Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang paratang laban sa kanila.
“Di po totoo yung binibintang sa akin dahil wala po akong alam dyan,” ani Tanega sa GMA News.
“Bigla na lang po akong dinampot na wala ako kaalam-alam,” sabi naman ni Montaño. —FRJ, GMA News