Nagmistulang tourist attraction sa mga beachgoer sa Sobol beach sa San Fabian, Pangasinan ang isang butanding na napadpad sa mababaw na bahagi ng dagat.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing hindi naman pinayagan na makalapit ang mga tao sa butanding na tinatayang anim na metro ang laki.
Ayon kay Juan Juguilon Jr., San Fabian Municipal agriculturist, posibleng napadpad sa mababang na bahagi ng dagat ang naturang buntanding dahil sa paghahanap ng pagkain.
Aksidente ring na-trap sa lambat ang butanding kaya nagtulong-tulong ang mga mangingisda na makaalis ito at makapunta sa malalim na tubig.
Wala namang sugat na nakita sa butanding, ayon sa ulat.
Sinabi ng mga mangingisda na karaniwan silang nakakakita ng mga butanding sa dagat sa ganitong panahon na marami ang alamang na kinakain ng mga dambuhalang isda.
Alam naman daw ng mga mangingisda na hindi dapat sinasaktan ang mga butanding.--FRJ, GMA News