Hindi pa rin ganap na tapos ang labanan sa pagka-alkalde nina Frank Sibuma at Stefanie Eriguel Calongcagon sa Agoo, La Union.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing isang araw matapos na iproklama ng Municipal Board of Canvasser sa Comelec Central Office si Calongcagon bilang nanalong alkalde ng Agoo sa katatapos na May elections, nakakuha naman ng temporary restraning order o TRO mula sa Korte Suprema si Sibuma, para pigilan ang pagbasura sa naunang pagproklama sa kaniya.

Si Sibuma ang unang iprinoklama na nanalong alkalde ng Agoo sa nakaraang halalan bilang kandidato na nakakuha ng pinakamaraming boto.

Pero ibinasura ng Comelec ang kaniyang panalo matapos na idiskuwalipika siya dahil sa usapin ng residency.

Kaya muling nagpulong ang MBOC bilang pagsunod sa atas ng Special 2nd Division ng Comelec para iproklama si Calongcagon na nanalong alkalde na ikalawa sa mga kandidato na may pinakamaraming boto.

Sa kabila ng pasya ng MBOC, nanatili sa tanggapan ng alkalde si Sibuma.

Hanggang sa lumabas ang TRO ng SC tungkol sa pagkakabasura ng kanilang proklamasyon.

Ayon kay Sibuma, nabunutan sila ng tinik sa inilabas na TRO ng SC.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang Comelec Provincial Office at opisyal ng Department of Interior and Local Government sa Agoo sa pinakabagong pangyayari tungkol sa TRO.

Hihintayin na lang umano nila ang susunod na pasya ng SC.

Ayon sa ulat, nagsimula nang kumalma ang sitwasyon sa munisipyo at hinikayat ni Sibuma ang kawani na makipagtulungan sa kaniya.

Wala pang inilalabas na pahayag si Calongcagon kaugnay sa nakuhang TRO ni Sibuma. --FRJ, GMA News