GUINAYANGAN, Quezon - Naging makulay at masaya ang pagdiriwang ng Gayang Festival sa bayan ng Guinayangan, Quezon nitong Martes makalipas ang dalawang taong pagkakahinto dahil sa pandemya.

Highlight ng selebrasyon ang street dancing competition na nilahukan ng mga residente ng bawat barangay.

 

Lumahok ang mga residente ng bawat barangay sa street dancing competition at parada. PEEWEE BACUNO

 

Bigay todo sa paghataw ang mga kalahok suot ang makukulay na kasuotan na talagang pinaghandaan.

Ipinakita sa pamamagitan ng pagsasayaw ang buhay na meron sa bayan ng Guinayangan at ang kulturang Pilipino. Pangingisda at pagsasaka ang pangunahing pinagkakakitaan sa bayan.

 

Ibinida rin sa Gayang Festival ang mga produkto ng bayan ng Guinayangan. PEEWEE BACUNO

 

Ang bawat grupo ay mayroong sarili nilang napiling musika na sasabayan.

Maraming tao ang nag-abang at nanood sa street dancing.

Ang Guinayangan ay nagmula salitang "gayang" na ang ibig sabihin ay "tubo".

Nagtapos ang pagdiriwang sa isang dance showdown.

Idinaraos ng mga taga-Guinayangan ang taunang Gayang Festival bilang pasasalamat sa kanilang patron saint na si San Luis Gonzaga. —KG, GMA News