Nasawi ang isang ginang at dalawa niyang anak na babae matapos salpukin ng van ang sinasakyan nilang tricycle sa Quezon. Ang driver ng van, inabsuwelto ng piskalya dahil ang tricycle driver umano ang nakitaan ng pagkakamali sa nangyaring aksidente.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang malagim na trahediya sa pamilya Dizon noong June 11 ng gabi sa Lucena, Quezon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing galing sa isang mall ang pamilya at pauwi na sa bayan ng Pagbilao sakay ng naturang tricycle.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Maharlika highway sa Barangay Kanluran Mayao sa Lucena, makikitang nanggaling sa isang gas station ang tricycle na lima ang sakay at patawid sa highway.
Pero tumigil ang tricycle sa gitna ng highway hanggang sa masalpok ito ng van na mabilis ang takbo. Umusad pa ang van bago tumigil nang sumalpok naman sa pader.
Kaagad na nasawi ang ginang na si Shirley Dizon. Kritikal naman na isinugod sa ospital ang mga anak niyang sina Pauline Grace at Sheree Anne.
Pero makalipas ng dalawang araw sa ospital, pumanaw na si Sheree Anne. Habang binawian na rin ng buhay si Pauline noong Huwebes.
Hiling mga kaanak ng biktima na mapanagot ang may kasalanan. Nanawagan din sila ng tulong pinansiyal at tulong legal para sa kaso.
Napag-alaman na nakalaya na ang driver ng van matapos ibasura ng piskalya ang kaso.
"May fault po ay tricycle. Kasi yung nga po ang nakalagay sa resolution [ng piskalya]. Nag-obstruct daw po ng passage ng van si tricycle," ayon kay PSMS. Prime Chrysler Velarde, Traffic Investigator-Lucena City Police.
Lumitaw din na walang lisensiya ang driver ng tricycle at paso na rin ang rehistro ng minamaneho niyang tricycle.
Naghain na ng motion for reconsideration ang mga kaanak ng biktima. --FRJ, GMA News