Patay na nang maihango ng awtoridad mula sa dagat ang isang 63-anyos na senior citizen matapos aksidenteng mahulog sa dagat ang kotseng minamaneho niya sa Davao del Norte.
Nahango ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Municipal Disaster Risk Reduction Office ng Island Garden City of Samal (IGACOS) ang bangkay ng biktma sa may Mae Wess Port dakong 2:20 a.m. nitong Sabado.
Ayon sa mga awtoridad, taga-Panabo City, Davao del Norte ang biktima.
Pahayag ng PCG, iginagarahe ng biktima ang kanyang kotse sa may pantalan habang naghihintay ng paparating na barko na tatawid mula sa Isla ng Samal papuntang Davao.
Sa kasamaang palad, aksidenteng naabante ng biktima ang kaniyang sasakyan papunta sa dagat at nakulong siya sa loob nito at nalunod.
Matapos makuha ang katawan ng biktima, hinila ng mga awtoridad ang kaniyang sasakyan at ibinigay sa pangangalaga ng Engineering Office ng Kinawitnon Wharf.
Dinala naman sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ang bangkay ng biktima. —LBG, GMA News