Arestado ang isa sa tatlong suspek sa pang-hijack kamakailan ng oil tanker sa Sariaya, Quezon.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng mga pulis na natunton ang isa sa mga suspek dahil sa naiwang cellphone sa truck ng tumakas ang mga salarin.
Kuwento ng driver ng truck, nakisabay daw sa kanya ang mga lalaki. At wala pang 10 minuto, nagdeklara sila ng hijack.
Piniringan umano siya, itinali ang kanyang mga kamay at iniwan siya sa liblib na lugar.
Tinangay ng mga suspek ang tanker na naglalaman ng 20,000 litro ng gasolina na may halagang mahigit P1 milyon.
Nang makawala sa kanyang pagkatali, agad daw siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad. Natunton ng mga pulis ang truck. —LBG, GMA News