Nagsisimula nang maagnas at may sugat sa likod nang matagpuan ang isang malaking Megamouth Shark sa baybayin ng isang barangay sa Gubat, Sorsogon.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing natagpuan ang pating na may haba na mahigit 15 talampakan, sa Barangay Bagacay ng nasabing munisipalidad.
Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol na si Nonie Enolva, nasa "state of decomposition" na ang Megamouth Shark kaya agad itong ipinalibing ng lokal na pamahalaan ng Gubat.
Bihira umanong makita sa karagatan ang naturang species ng pating. Sa katunayan, hindi lalampas sa 100 megamouth shark ang namataan sa karagatang sakop ng iba't ibang lugar sa buong mundo.
Samantala, ito ang ikatlong beses na may nakitang megamouth shark sa Bicol.
"Ang megamouth shark ay isa sa pinakapambihirang marine organism and hopefully, kung ito ay agad na ma-i-report sa atin, patay man o buhay, kasi in terms of conservation status, least concerned pa ito o 'yung sinasabi nating data deficient a kulang pa 'yung datos," sabi ni Enolva. --Jamil Santos/FRJ, GMA News