Nakagapos ang mga kamay at paa, at may duct tape sa mukha nang makita ang bangkay ng isang lalaki sa Iloilo City na suspek sa pagpatay sa isang commercial sex worker.

Ayon sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa gilid ng circumferential road sa Barangay Sooc, Arevalo sa nasabing lungsod noong Miyerkules ng umaga.

Sa pagsusuri ng pulisya, may mga tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima at may sugat sa leeg.

May nakuha rin umanong limang sachet na may laman na hinihinalang shabu sa biktima.

Hinala ng mga awtoridad, may kaugnayan sa ilegal na droga ang nangyaring krimen.

Kinalaunan, kinilala ni Richard Galvez, chairman ng Barangay Rima, ang biktima na si John Louie Macoge.

Sa naturang barangay umano nakatira ang ina ni Macoge, at nagpupunta roon kung minsan ang biktima.

Una rito, naaresto sa buy bust operation laban sa ilegal na droga ang ina at kapatid ni Macoge.

Nitong Lunes, pinaslang naman ang commercial sex worker na si April Jane Nacionales, na kakilala umano ng ina ni Macoge.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na suspek si Macoge sa pagpatay kay Nacionales.

Posibleng umanong pinagbintangan si Nacionales na nagtuturo ng mga taong sangkot sa ilegal na droga.--FRJ, GMA News