Patay ang isang overseas Filipino worker (OFW) na umuwi lang sa bansa para ayusin ang problema sa lupa nang pagsasaksakin siya ng isang lalaki na kaniyang nakaalitan sa Lucena City, Quezon.
Sa report ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing pauwi na mula sa tanggapan ng barangay ang 56-anyos na biktimang si Elena Alzaga, at kaniyang pamilya matapos dumalo sa pag-uusap tungkol sa away sa lupa nang bigla siyang atakihin ng suspek na si Marlo Pauang.
Sa isang video ay makikitang naglabas si Pauang ng patalim bago hinabol ng saksak ang biktima. Sinubukan pa siyang pigilan ng mga kaanak ng biktima at concerned citizens sa lugar ngunit nabigo sila.
Matapos saksakin ang biktima, sinaksak din ng suspek ang kaniyang sarili. Kasalukuyan siyang inoobserbahan sa ospital.
“Sa tingin namin ay talagang pinagplanuhan nitong si Mr. Pauang ang kaniyan gagawing pananaksak dahil bukod sa usapin sa lupa ay may previous na galit,” sabi ni Plt. Col. Reynaldo Reyes, Lucena Police Chief.
Kinumpirma ng pulisya na maaaring away sa lupa ang pinag-ugatan ng insidente. Aniya, umuwi pa mula sa ibang bansa si Alzaga upang ayusin sana ang kanilang naging problema.
Bukod kay Alzaga, dalawang tao pa ang nasugatan sa insidente kabilang ang anak ng biktima.
“‘Yung anak ni nanay Elena at siya [suspek] ay nagtamo rin ng saksak. May tatlo siyang tinamong saksak sa parte ng kaniyang katawan. Sa dibdib, naging fatal ang saksak niya sa katawan na dalawa, at braso kasi medyo may katandaan na rin hindi na rin siya halos nakapanangga,” ani Reyes.
Binabantayan ngayon ng mga awtoridad si Pauang na ililipat sa custodian facility ng lungsod kapag gumaling na.
Sinubukan pa ring hingin ng GMA News ang pahayag ng pamilya ng suspek at biktima. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News