Muntik nang mauwi sa trahedya ang pamamasyal ng isang pamilya sa 100 Islands National Park sa Alaminos, Pangasinan nang muntikan nang masawi sa pagkalunod ang kasama nilang batang lalaki.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, ipinakita ang amateur video habang nire-revive ng mga pulis ang limang taong gulang na batang lalaki.
Nangyari ang insidente sa Quezon Island sa 100 Islands. Nalubog sa tubig ang bata at unang nasagip ng ibang namamasyal sa lugar.
Pero wala nang malay ang bata nang makuha mula sa tubig. Nagkataon naman na nasa isla ang mga pulis na magsasagawa ng coastal clean-up operation.
Nang makita nila ang komosyon, kaagad na nagtungo sa walang malay na bata ang mga pulis at nagsagawa ng CPR (Cardiopulmonary resuscitation).
Tumagal umano ng may isang minuto bago muling nagkamay ang bata.
Ayon sa city tourism office, nagmula sa Pampanga ang grupo na kinabibilangan ng bata.
Sinabi rin ni Miguel Sison, Alaminos City Tourism Officer, mayroong medical team sa lugar para tumugon sa mga emergency lalo na kapag weekend kung saan dagsa ang mga turista.--FRJ, GMA News