Sa kulungan ang bagsak ng dalawang magkapatid na sangkot umano sa pamamaril at pagpatay sa Iligan City, Lanao del Norte, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Kinilala ang dalawang naaresto na sina Esmael at Kamar Cauntongan na target umano ng operasyong isinagawa ng mga operatiba.

"Nakaplano talaga itong pagpasok natin," ani Police Lieutenant Colonel Vic Cabatingan, hepe ng Regional Special Operations Unit 10.

Nakuha mula sa bahay ng mga suspek ang matataas na kalibre ng baril.

Ayon kay Police Brigadier General Benjamin Acorda, hepe ng Police Regional Office 10, sangkot ang dalawa sa ilang insidente ng pamamaril at pagpatay.

"They are now facing murder charges and frustrated murder," ani Acorda.

"This is significant because we went to know if these firearms were previously involved in some crimes that were committed," dagdag pa niya, tungkol sa mga nakuhang armas sa dalawa.

Sinisikap pa ng GMA News na kunin ang panig ng mga naaresto, na nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives.  —KBK, GMA News