Patay ang isang lalaki na siyam na taong gulang matapos siyang tamaan ng kidlat habang naliligo sa ulan kasama ang ilang kalaro sa Rosales, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Lawrence Torres, ng Barangay Cabalaoangan Norte.

Nagtamo ng mga lapnos at sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima.

READ: What can you do to avoid a lightning strike? Kuya Kim shares 30-30 rule

Ayon sa ina ng biktima na si Jealyn, kasama ng kaniyang anak ang ilang kaibigan na naliligo sa ulan nang biglang tamaan ng kidlat ang bata.

Isang kaibigan din ng biktima ang mapalad na nakaligtas.

"Marami kaming pangarap sa kaniya. Kaya po nagpupursige ang mga kapatid niya para sa kaniya, para makapag-aral siya. Pero ngayon ano na, paano na ang mga pangarap niya, wala na," hinagpis ng ina.

Paalala ng PAGASA, madalas pa rin ang localized thunderstorm kaya dapat na mag-ingat.--FRJ, GMA News