Nasawi ang isang 12-anyos na babae at sugatan ang nakababata niyang kapatid matapos silang tamaan ng kidlat habang naliligo sa ulan sa labas ng kanilang bahay sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Joanna Domantay, ng Barangay Kubol sa nasabing lungsod.

Kuwento ng tiyahin ng mga biktima na si Teresita Domantay, naliligo ang mga bata nang biglang kumulog nang malakas.

"Pagka ano ng kapatid niya sabi namin sa kaniya bakit ka naliligo sa ulan. 'Yon po humihingi na po ng tulong yung kapatid niya gumugulong po sa kamanggahan. 'Tiya tulong si ate natamaan ng kidlat," emosyon sabi ni Teresita.

Nadala pa sa ospital ang mga biktima pero binawian ng buhay si Joanna.

Nagpapagaling naman ang kaniyang kapatid sa tama ng kidlat sa binti.

Mababakas pa sa puno ang naging tama ng kidlat.

Payo ng mga awtoridad, iwasan ang paglagi sa labas ng bahay o sa open area upang hindi tamaan ng kidlat.

Iwasan din ang pagamit ng gadgets kapag mayroong kulog at kidlat, huwag manatili sa mga matataas na puno at poste ng kuryente.--FRJ, GMA News