Nasawi ang isang 24-anyos na lalaki matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa kasalubong na tricycle sa Sta. Barbara, Pangasinan. Ang lalaki, magbabakasyon lang sa Pangasinan ngayong Holy Week nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing kaagad na nasawi sa aksidente ang rider na si Jason Cruz.

Malubha naman ang tinamong sugat ng angkas niyang si Marian Aalazar, 22-anyos, at ang nakabanggaan niyang tricycle driver na si Richie Arches.

Nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Maticmatic sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sinasabing mabilis umano ang takbo ng motorsiklo ni Cruz batay sa kuha ng CCTV camera. Napunta umano si Cruz sa linya ng kasalubong na tricycle kaya nangyari ang salpukan.

"Pagdating doon sa Barangy Maticmatic, itong driver ng motocycle ay nag-overtake until doon na sila nag-abot, na-encroached niya yung lane nung tricycle so nagkaroon ng frontal impact," ayon kay Police Major Mark Ryan Taminayan, hepe ng Sta. Barbara Police Station.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na walang suot na helmet ang mga sakay ng motorsiklo.

Ayon sa kaanak ni Cruz, umuwi ito sa Pangasinan galing ng Maynila kasama ang pamilya para magbakasyon ngayong Semana Santa.

Nakatakda umanong mag-uusap ang magkabilang panig pagkatapos ng libing. —FRJ, GMA News