Dalawa ang patay sa engkuwentro ng mga pulis at dalawang nakasakay sa motorsiklo sa Binangonan, Rizal, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Hinabol daw ng mga pulis ang dalawang suspek matapos hindi huminto ang mga ito sa checkpoint sa Barangay Mahabang Parang na bahagi ng Angono, Rizal, nitong Miyerkules nang madaling araw.
Nagsasagawa ang mga pulis ng "Oplan Sita" sa lugar matapos may manakawan ng motorsiklo sa isang subdivision sa lugar.
Ayon sa mga pulis, pinara nila ang motorsiklo dahil wala itong plaka, pero sa halip na tumigil ay kumaripas daw ito ng takbo hanggang sa makarating sila sa Quarry Road sa Binangonan ang habulan.
Una raw nagpaputok ang mga suspek nang sumemplang ang kanilang motorsiklo. Tinamaan daw ng bala ang isang pulis ngunit sa kabutihang palad ay nakasuot ito ng bulletproof vest.
"Binaril yung mobile natin kaya kung makita mo yung mobile natin, may tama ng bala sa kanang bahagi," ani Police Lieutenant Colonel Ferdinand Ancheta, hepe ng Angono Municipal Police.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na suspek at kung may kinabibilangan silang grupo. —KBK, GMA News