Sugatan ang driver ng isang AUV matapos nitong makasalpukan ang kasalubong na trailer truck sa Quirino Highway, San Vicente, Tagkawayan, Quezon. Nangyari ang aksidente Martes ng madaling araw.
Sa tindi ng salpukan ay nawasak ang unahan ng AUV, tumilapon at nahulog pa ito sa kanal.
Ilang minuto rin na naipit ang driver. Naging pahirapan ang ginawang pag-rescue dito.
Nagtamo ng sugat at bone fracture ang driver ng AUV, isinugod na ito sa pagamutan sa Tagkawayan. Wala namang sugat o tinamong pinsala ang babaeng pasahero ng AUV.
Nasira din ang kaliwang bahagi ng unahan ng trailer truck. Hindi naman nasugatan ang driver at ang pahinante.
Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, patungong Pamplona, Camarines Sur ang AUV habang patungo naman sa Maynila ang trailer truck.
Base sa dash cam video ng AUV, nasa tamang linya ito nang makasalpukan nito ang trailer truck. Ang trailer truck ang nang-agaw ng linya kaya nito nasalpok ang AUV.
Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries and damage to property ang driver ng AUV. —BAP/KG, GMA News