Isang delivery rider sa Camarines Norte ang nagtungo sa himpilan ng pulisya para magreklamo na naholdap siya at nakuha ang koleksiyon niyang pera. Pero kinalaunan, umamin ang rider, naipatalo niya sa online-sabong ang pera.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, sinabing nagtungo sa Paracale Municipal Police Station ang suspek na delivery rider na itinago sa pangalang "Erick," 29-anyos, residente ng Barangay Dos sa bayan ng Mercedes.
Sumbong ni Rick sa mga awtoridad, dalawang lalaki ang humarang sa kaniya at kinuha ang koleksiyon niyang pera sa pagde-deliver na umaabot sa mahigit P12,000.
Pero nagduda ang mga imbestigador sa kaniyang kuwento kaya kinalaunan ay umamin din si Rick na naisugal niya sa online sabong ang pera at natalo.
Dahil dito, inaresto siya ng mga awtoridad at mahaharap siya sa kaukulang reklamo.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na pigilan ang pag-o-online sabong.--FRJ, GMA News