Kalaboso ang isang buntis matapos siyang magtangka umanng magpuslit ng ilegal na droga sa Misamis Oriental Provincial Jail.
Ayon sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, nakalagay umano sa kahon ang shabu na nasa pakete at inihagis sa loob ng piitan.
Sinasabing para sana sa isang inmate na nagngangalang "Salik," ang naturang droga na nagkakahalaga umano ng P200,000.
Pero kaagad na nakita ng mga jail guard ang naturang kontrabando ang naaresto ang buntis.
Nakapiit na ngayon ang suspek at mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Samantala, nasakote naman sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit-10, sa Barangay Barra, Opol sa Misamis Oriental, si Joe Umotan.
Nakuha umano sa suspek ang ilang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P600.000.
Kasama umano ni Umotan sa pakikipagtransakyon ang kaniyang menor de edad na anak. Napag-alaman din na nasangkot din sa kalakaran ng ilegal na droga ang kaniyang asawa. --FRJ, GMA News