Isang king cobra na pinaniniwalaang nakatuklaw at nakapatay ng isang bata noong nakaraang taon ang napatay ng mga residente nang pumasok umano sa isang bahay sa Tagkawayan, Quezon nitong Miyerkules.
Ayon sa mga opisyal ng Barangay Kinatakutan, tinatayang may haba na mahigit tatlong metro ang makamandag na ahas.
Pinaniniwalaan na ang napatay na cobra ang nakatuklaw at nakapatay sa isang 10-anyos na bata sa lugar noong September 2021.
Ito ay batay umano sa nakitang marka sa katawan ng cobra noong maipit ito noon sa gulong ng motorized trolley.
Kinumpirma ng herpetologist na si Emerson Sy, na isang king cobra ang napatay na ahas batay sa hitsura nito.
Ayon kay Sy, sa susunod na buwan daw ay breeding season ng mga king cobra kaya posible umanong madalas na makakakita ng ganitong uri ng ahas.
Nagiging agresibo umano ang mga ahas kapag nararamdaman ng panganib sa kanilang buhay o sa kanilang pugad.
Hanggat maaari, kung hindi naman daw banta sa buhay ng tao ang king cobra, mas makabubuting huwag itong patayin dahil nakatutulong ang mga ito sa ecosystem.
Ang host ng programang "Born To Be Wild" na si Doc Nielsen Donato, aminado na sa lahat ng ahas na kaniyang nakakaharap, sa king cobra siya pinaka-kinakabahan. Panoorin ang video kung bakit.
--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News