Isang sawa na abot sa dalawang metro ang haba at nasa 10 kilo ang bigat ang nahuli dahil sa walang tigil na pagtahol ng mga alagang aso sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing hatinggabi nang mabulabog ang mga residente sa isang compound sa Sitio Saipan, Barangay Anolid, dahil sa pagtahol ng mga aso.
Ayon kay Biaca Mae Giron, tiningnan nila kung bakit tumatahol ang mga aso sa bakuran at doon na nakita ang sawa na gumagapang sa pader.
Hindi umano makagapang nang husto ang sawa dahil na rin sa mga pako sa pader.
Mabuti na rin lang at hindi umano inatake ng sawa ang mga aso sa nakatali malapit sa pader.
Ligtas na nahuli ng mga residente ang sawa na ibinigay sa barangay at kinalaunan ay ipinagkatiwala sa municipal environment and natural resource office. --FRJ, GMA News