Patay ang isang ginang at kaniyang menor de edad na anak matapos silang barilin sa ulo sa nirerentahang bahay sa Cebu City. Ang suspek, live in partner ng ginang.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jenelyn Bontilao, 31-anyos, at ang 15-anyos niyang anak babae.
Kritikal naman ang kalagayan ng 11-anyos na bunsong anak ni Jenelyn na isa ring babae.
Suspek sa krimen ang kinakasama ni Jenelyn na si Jan-Jan Moko, na umano'y isang police asset.
Ayon sa kapatid ni Jenelyn, dakong 2:00 am noong Lunes nang makarinig siya ng mga putok ng baril sa inuupahang bahay ng mga biktima sa Barangay Guadalupe.
Matapos na madinig ang mga putok, nakita umano niyang umalis ng bahay si Moko.
Narinig din ang sigaw ng bunsong anak na humihingi nang tulong at doon na nila nakita ang duguang katawan ng mga biktima.
Nagtamo umano ng tama ng bala ng baril sa ulo ang mga biktima.
Sinabi ng kapatid ni Jenelyn na nakikipaghiwalay na ito kay Moko dahil hindi na matiis ng ginang pagiging seloso ng suspek at nanakit pa.
Umapela naman ang pulisya sa publiko na tulungan silang mahanap ang suspek at maresolba ang karumal-dumal na krimen. --FRJ, GMA News