Nauwi sa trahediya ang pangunguna ng talaba sa ilog ng isang 16-anyos na babae sa San Fabian, Pangasinan nang malunod siya. Ang biktima, pauwi na sana pero binalikan ang nalubog na tsinelas.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Aminan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Erika Uson, grade 10 student.
Ayon sa kaanak ng biktima, nagpunta sa ilog sa Barangay Bolasi ang dalagita kasama ang dalawang bata para kumuha ng talaba na iuulam.
Pauwi na raw sana ito pero bumalik sa ilog para kunin ang nalubog niyang tsinelas.
Pero napunta siya sa malalim ng bahagi ng ilog at doon na nangyari ang trahediya.
"Natanggal yung slipper niya binalikan niya. Noong lumubog na hinihintay ng dalawang bata na aahon. Yon na siguro, napagtanto nila na wala nang lulutang. Umiyak na sila at humingi ng tulong," ayon kay Jolifer Uson.
Nagtulong-tulong ang ilang residente na hanapin si Erika sa ilog. Nang makita, binigyan nila ito ito ng first aid bago dinala sa pagutan pero hindi na rin nailigtas ang kaniyang buhay.
Ayon kay Jolifer, nagbalik ang bangungunot sa kanilang pamilya dahil mayroon din silang kapatid na nalunod noon.
"Sobrang masakit kasi parang bumalik lang din sa isang kapatid namin na nalunod noon. Hindi ko na alam ang ginagawa ko kahapon, basta tawag na lang ako nang tawag sa Taas," saad niya.
Paalala ng pulisya, iwasan ang pagpunta sa ilog lalo na kung walang kasamang matanda na nakakaalam sa lugar. --FRJ, GMA News