Hindi man napagbigyan ang hiling ng isang amang nakadetine sa police station sa Sta. Elena, Camarines Sur na payagan siyang makauwi para sa birthday ng kaniyang anak, masaya pa rin siya dahil nagkaroon ng simpleng birthday celebration ang kaniyang anak sa mismong himpilan ng pulisya.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing matagal nang nakadetine ang lalaki sa himpilan ng pulisya dahil sa kasong hindi binanggit kung tungkol saan.

Pero napansin naman umano ng mga pulis na masipag ang amang Person Under Custody (PUC) at madalas din nilang makita ang pamilya nito.

Sa ika-limang taong kaarawan ng anak, hiniling daw ng ama sa mga pulis na payagan siyang makapunta sa kanilang bahay. Pero dahil hindi ito maaaring mangyari, nag-ambagan na lang ang mga pulis para sa simpleng handaan sa kaarawan ng bata sa mismong police station.

Ayon kay Police Major Kim Lawrence Arenas, hepe ng Sta Elena MPS, karaniwang mga tauhan nila ang binibigyan nila ng surprise birthday celebration.

"Napakasaya nung reaksyon ng mga mag-anak. Usually kasi ang personnel talaga namin ang sinu-surprise namin tuwing birtday nila. This is the first time na nakapagbigay naman kami kahit paano sa anak ng person under ng custody," pahayag ni Arenas.

Ang naipon sa pag-ambag-ambag ng mga pulis, ibinili ng mga pagkain, tarpaulin at mga regalo. Mayroon ding cake na makikitang hawak ng PUC na ama na hinipan ng anak sa kaniyang harapan.

--FRJ, GMA News