BURDEOS, Quezon - Isang buntis na babae ang inabutan ng panganganak sa isang pampasaherong bangka sa gitna ng karagatan sa bayan ng Burdeos, Quezon nitong Martes ng umaga.

Ayon sa kumuha ng video na si Jomar Encina, patungo daw sana sa sentro ng bayan ng Burdeos ang mag-asawang sina Eljane at Romnick Perez mula sa island barangay ng Carlagan. Kabuwanan na raw kasi ni Eljane kung kaya’t nagpasiya siyang sa klinika sa bayan manganak dahil walang midwife sa barangay.

Sa gitna ng karagatan at matataas na alon ay nanganak si Eljane. Masuwerteng may kapwa pasahero sila na marunong magpaanak. Nagtulong-tulong ang mga babaeng pasahero na paanakin si Eljane.

Isang malusog na batang lalaki ang isinilang ng babae na napag-alamang una o panganay na anak niya.

Pagdating sa bayan ay kaagad na dinala sa klinika ang mag-ina upang masuri at matiyak na ligtas ang mga ito.

Laking pasalamat ni Romnick sa mga kapwa nila pasahero sa bangka na tumulong sa pagpapaanak sa kanyang may bahay.

Pinangalanan ang sanggol na si Prince Giomar Perez.

Panawagan ng mga taga-Barangay Carlagan, sana raw ay magkaroon ng midwife at paanakan sa kanilang lugar. —KG, GMA News