Patay ang isang 70-anyos na lolo matapos mabagsakan ng puno ang kanilang bahay sa gitna ng pananalasa ng bagyong "Odette" sa Bohol. Dalawang lola naman ang nasawi dahil sa sobrang lamig dulot pa rin ng bagyo.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita ang labis na hinanakit ni Iva sa pagkamatay ng ama na si Elsie Mante sa gitna ng pananalasa ng bagyong Odette sa bayan ng Pilar ng nasabing probinsya.
Sinabi naman ni Maria Rica Mante, na maaga nilang sinabihan ang kanilang lolo na lumikas na pero hindi ito pumayag.
Babalikan sana ng ama ni Maria Rica ang kaniyang lolo pero hindi na kinaya sa lakas ng hangin.
"Naisip ng papa ko, andito talaga 'yung lolo ko kaya hinalungkat niya 'yung mga gamit at andu'n nakita 'yung lolo ko," sabi ni Maria Rica.
Madaling araw ng Sabado na nang matagpuang wala nang buhay si Lolo Elsie.
Sa bayan din ng Pilar, dalawang babaeng senior citizen ang namatay dahil sa sobrang lamig matapos mawasak ng bagyong Odette ang kanilang tirahan.
Nagtamo rin ng mga pinsala ang munisipyo ng Pilar at nabasa ng ulan ang iba't ibang dokumento.
Nanawagan ang mga residente sa Bohol para sa tulong.
"I'm still talking to DSWD kasi pinanghahawakan ko 'yung pangako nila na magde-deliver sila ng 35,000 food packs. Up to now I'm still following this up," sabi ni Bohol Governor Arthur Yap.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News