Patay at naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng 19-anyos na babae sa isang bakanteng lote sa Bautista, Pangasinan. Ang biktima, umalis ng bahay para puntahan ang taong nag-aalok umano ng trabaho.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Catherine Cuison, na nakita ang bangkay sa Barangay Cabuaan.
Tinakpan ng tela ang biktima sa bakanteng lote at hinihinalang hinalay ng salarin.
Ayon sa mga kaanak ng dalaga, umalis ng bahay ang biktima para maghanap ng trabaho.
Makikipagkita umano ang biktima sa isang lalaking nakilala niya sa social media, na nag-aalok ng trabaho sa kaniya.
"Nabasa niya 'yung [mensahe] ng lalaki na, 'Tutulungan kita' sabi niya, 'na maghanap.' ''Yung tita ko naghahanap ng mag-aalaga ng bata,' sabi niya. Nagpalitan sila ng chat tapos nakuha siguro 'yung loob niya. Sinundo pa siya ng lalaki," sabi ni Rowena Cuison, tiyahin ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng sinakal ang biktima na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Nasa kustodiya na ng Bautista Police ang 21-anyos na suspek, na patung-patong na kaso ang kahaharapin.
"Actually nag-execute siya ng confession regarding sa ginawa niyang krimen na pagpatay at panghahalay sa biktima," ayon kay Police Lieutenant Jeremias Ramos Jr., hepe ng Bautista Police Station.
"Ang gusto ko mabigyan ng katarungan ang aking anak. Ang gusto ko mabulok sa bilangguan 'yung gumawa," sabi ni Carmel Cuison, ama ng biktima.
Naghihinagpis ang pamilya Cuison sa Brgy. Lucao, Dagupan City at nananawagan ng hustisya sa pagkamatay ng dalaga.--Jamil Santos/FRJ, GMA News