Nasawi ang apat na magkakaanak sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa Barangay Pagdugue, Dumangas, Iloilo nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Natagpuang walang buhay ang guro na si Rhea Padios, 38, at ang kanyang tatlong menor de edad na anak na edad pito, anim at tatlong taong gulang, ayon sa ulat ni John Sala sa Balitanghali nitong Huwebes.
Ayon sa unang rumesponde sa sunog, mabilis na kumalat ang apoy ngunit halos buong bahay na ang natupok pagdating nila.
“Mabilis talagang lumaki ang apoy mga 10 minutes. Pagdating ko mga 80% na ang nasunog,” ani ng barangay tanod na si Eriberto Berano.
Ayon sa ama ni Rhea na si Edelberto Espeja, maaaring hindi nakalabas ang mag-anak dulot ng maraming kandado sa loob ng kanilang pamamahay sanhi ng nangyayaring mga nakawan sa lugar.
“Wala na tayong magagawa kasi hindi ‘yan disgrasya kundi trahedya,” ani Espeja.
“Sa kusina nila may lock, sa kwarto may lock din. Narinig pa nilang humihingi ng tulong si Rhea,” dagdag niya.
Ang padre de pamilya ng mag-iina ay kasalukuyang nasa Maynila upang mag-proseso ng mga papeles para magbalik trabaho bilang isang seaman.
Kasalukuyang tinitignan ng Bureau of Fire Protection ang problema sa linya ng kuryente bilang posibleng sanhi ng sunog. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News