Isang rider ang nasawi, habang sugatan ang isa pa nang magsalpukan ang kanilang mga motorsiklo sa San Ildefonso, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Aaron Nolasco, 21-anyos, residente sa Narvacan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol sa kaniyang motorsiklo si Nolasco habang nasa tulay na bahagi ng Poblacion West .
Napunta umano ang motorsiklo ni Nolasco sa kabilang linya ng kalsada at nakasalpukan niya ang isa pang motorsiklo.
Sa lakas ng pagbangga, nahulog pa mula sa tulay ang motorsiklo ni Nolasco.
Nasawi si Nolasco habang nagpapagaling pa sa pagamutan ang kaniyang nakabanggaang rider.
Wala pang pahayag ang pamilya ng nasawi sa insidente. --FRJ, GMA News