Limang magkakamag-anak ang nasawi matapos silang pagbabarilin at hagisan ng granada sa kanilang bahay sa Milaor, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera na nahagip ang suspek na si Arturo De Leon, na sakay ng motorsiklo at tumigil sa bahay ng mga biktima sa Barangay Tarusanan noong Biyernes.

Armado ng baril, pinuntahan nito ang bahay ng biktimang si Romeo De Leon, 72-anyos, at kaniyang pinagbabaril.

Sapul din ang dalawang apo ni De Leon na edad anim at pito.

Matapos ang pamamaril sa bahay ni De Leon, pinuntahan naman ng suspek ang kalapit na bahay ng isang kaanak ng biktima.

Ayon kay Luzviminda Cobilla, kaagad silang nagtago sa kuwarto nang makarinig ng mga putok ng baril.

Humarang sa likod ng pintuan nila ang anak niyang si Samuel, 20-anyos, para hindi makapasok ang suspek.

Pinagbabaril ng suspek si Sumuel at nasawi.

Nagpasabog din ang granada ang suspek at nasawi ang isang batang siyam na taong gulang.

Isa pa ang sugatan sa naturang krimen.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pangalawang insidente na ito ng pamamaril sa pamilya ng mga biktima, at parehong suspek ang nasa likod ng krimen.

Away sa lupa ang lumilitaw na motibo ng suspek laban sa mga biktima.

Nagpalabas na ng kautusan si Philippine National Police Chief Guillermo Eleazar na tugisin ang salarin.

“Nagbigay na ako ng kautusan sa Regional Director ng PRO 5 na kilalanin at hulihin ang nasa likod nito sa lalong madaling panahon,” sabi ni Eleazar.

“I’ve also directed all our regional directors to give me an update on their campaign against loose firearms in their respective areas of responsibility,” dagdag niya. — FRJ, GMA News