Nagkagulo sa ilang residente sa isang barangay sa Mangaldan, Pangasinan nang saniban umano ng masamang espiritu ang apat na kalugar nila. Ang pinaniniwalang sumanib sa mga biktima, hinihinalang galing sa malaking puno ng acacia.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, ikinuwento ng isa sa mga saksi na si Lorenzo Viado, ng Barangay Gulig, na lumutang umano ang isa sa mga sinaniban at nangingisay.
"Tapos susunod na yung isa," saad niya Viado na sobrang lakas din umano ng mga sinaniban kahit marami na ang humahawak.
Ayon sa isa sa mga ninaniban umano na si "Jane," 'di niya tunay na pangalan at 16-anyos, wala siyang matandaan sa nangyari pero nakararamdam pa rin siya ng takot.
"Sana po ano mawala na po. Sana po hindi na bumalik," pahayag niya.
Kuwento naman ng isa pang sinaniban umano na itinago sa pangalang "Maricel," nakaramdam siya na uminit ang kaniyang ulo at bumigat ang kaniyang dibdib.
"Kuwento po nila sa akin sampu na raw silang humahawak sa akin," umiiyak niyang sabi na sana tuluyan na siyang gumaling.
Dinala ang mga sinaniban sa ilalim ng puno ng acacia kung saan nagsagawa ng rituwal ang isang albularyo.
Pinaniniwalaan na sa naturang puno nanggaling ang sumanib sa apat.
Tumawag din ng pari ang mga residente para mabasbasan ang mga bahayan sa lugar. Ang ilang residente, nagsuot na ng rosaryo.
Sa ganitong pagkakataon, ipinaliwanag ni Fr. Allan Lopez, Parish Priest Minor Basilica of Manoag, na nagkakaroon sila ng imbestigasyon.
"Kapag natapos lahat yung investigation at sinabing hindi, para siyang extraordinary, saka lang natin nasasabi na spiritual talaga, bad spirit. Kung bad spirit, tumatawag tayo ng exorcist para ipanalangin siya," ayon sa pari.
Paliwanag naman ng psychologist na si Karl Anthony Rufo, "We are experiencing pandemic ngayon panahon na ito. It cause some threat din sa atin, which is why siguro people share their collective hysteria na kung saan it might be possible rin talaga na they're experiencing some maybe hallucinations or delusions din."
--FRJ, GMA News