Mayroon nang unang pasyenteng nasawi dahil sa komplikasyon ng COVID-19 sa Batanes.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nasawi noong Sabado ang 70-anyos na pasyente na mula sa Basco.
Nasa halos 400 ang active cases sa Batanes, at nagkakaroon umano ng problema sa kapasidad ng mga quarantine facility dahil sa dami ng nagpopositibo sa virus.
Ayon kay Justinne Jerico Socito, public information officer ng Batanes, may ibang COVID-19 positive ang pansamantalang naka-isolate sa kani-kanilang bahay habang naghihintay ng quarantine facility na pagdadalhan sa kanila.
Naisaayos na umano ang tatlong quarantine facility na nasira nang manalasa ang Bagyong Kiko.--FRJ, GMA News