Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng Lucena, Quezon ang isang mag-asawa sa Sariaya, Quezon dahil sa pagbebenta ang pekeng COVID-19 RT-PCR, at antigen negative test results.
Nagmamay-ari ang mga suspek ng isang kainan sa gilid ng Maharlika Highway sa Barangay Balubad sa Sariaya, na malimit umanong na dinadagsa ng mga customer.
Kadalasang mahaba umano ang pila ng mga sasakyan sa labas ng kainan. May mga kumakain sa restaurant habang ang iba naman ay naghihintay nalang sa van.
Hindi mo aakalaing naghihintay pala ang mga ito sa kanilang ipinapagawang RT-PCR at antigen negative results.
Inaresto ng mga tauhan ng NBI Lucena City, Quezon noong Martes ng gabi si Sheila Marcuap at ang asawa nitong si Kim Lester Ella.
Naaktuhan ng NBI ang pag-aabutan ng perang ibinayad ng isang nagpagawa at mga pekeng RT-PCR at Antigen mula kay Sheila.
Ginawa umano ang transaksyon sa likod na bahagi ng kainan. Nahuli din din sa akto ang pagpi-print ni Sheila ng iba pang RT-PCR at antigen test tesult.
Ayon kay Dominador Villanueva III, Director ng NBI Quezon, maraming impormasyon na nakuha ang mga asset ng NBI na mayroong nagaganap na bentahan ng mga pekeng RT-PCR at antigen negative result sa isang restaurant sa Sariaya.
Karamihan sa mga tumatangkilik dito ay van drivers at passengers na nagtutungong Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Sorsogon at iba pang lugar sa Bicol.
Nakumpirma ng NBI na peke ang mga dokumento dito matapos isagawa ang mga test buy. Nag-iisyu ng negatibong result ng RT-PCR at antigen ang mga suspek ng walang nangyayaring swab testing o pagkuha ng specimens.
Isang laboratory din sa Quezon City ang pinuntahan ng NBI Lucena upang mag-verify kung totoong galing sa kanila ang mga RT-PCR result, subalit pinabulaanan ito ng laboratory.
Ang mga nakuhang pekeng RT-PCR at antigen test result mula samga suspek ay nakapangalan sa iba’t ibang laboratory sa Region 4A, at National Capital Region.
Ayon sa NBI, hindi mo mahahalatang peke ang mga ginagawang RT-PCR at Antigen result ng mga naaresto dahil may mga QR Code din ito na kapag na-scan ay lalabas ang pangalan ng clinic.
Binabago din ng mga suspek ang mga contact number sa certification nang sa gayon kapag tinawagan ito ng mga tao sa mga checkpoint ay may sasagot at magpapatunay na totoo ang papeles.
Mula sa Maynila patungong Bicol ay nagbabayad ng 2,500 hanggang 3,000 ang mga pasahero. Package na ang tawag nila dito. Kasama na sa bayad ang fake na RT-PCR o antigen negative test result.
Isang van driver naman ang tumakas habang nagsasagawa ng operasyon ang NBI. Iniwan nito ang kanyang mga pasaherong magtutungo sa Bicol. Ang mga pasaherong ito ay lahat nagbayad para sa negative RT-PCR at antigen test result.
Kalaunan, dumating sa NBI Lucena pasado 1:00 ng umaga ang tumakas na driver na kinilalang si Rexon Jay Gala. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Ayon sa dalawa sa mga pasahero ni Gala, hindi nila alam na peke ang ibibigay sa kanila. Nagtaka daw sila kung bakit sila bibigyan ng resulta samantala hindi naman sila dumaan sa swab test.
Hindi naman itinanggi ni Sheila Marcuap na siya ang gumagawa at nagpi-print ng mga RT-PCR at Antigen negative result. Ipinapadala thru email lang daw sa kanya ng kanyang mga kaibigan ang mga resulta na ipi-print.
Taga-print lang daw siya. Matagal na raw niyang ginawa ang pagpi-print. Hindi daw nya alam na peke ang mga ito dahil ipinapadala lang daw ito sa kanya.
Nasa kustodiya ngayon ng NBI ang mag-asawang naaresto. —LBG, GMA News