Nagkabanggaan ang isang truck, isang mini bus, at isang tricyle sa Tayabas City, Quezon nitong Martes ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, mapalad na walang nasawi sa insidente na naipit ng truck ang mini bus, at naipit naman ng mini bus ang tricycle.
Nagtamo lang ng minor injuries ang ilang pasahero at driver ng mini bus, gayundin ang sakay ng truck at tricycle.
Nangyari ang aksidente sa national highway sa Barangay Wakas sa nabanggit na lungsod.
Nawasak ang unahan ng truck matapos nitong makabanggaan ang mini bus.
Patungo sana sa Lucena City ang mini bus nang mangyari ang aksidente.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng awtoridad at rescue team ng Tayabas City DRRMO, para tulungan ang mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung sino ang may kasalanan.
Nagpapaalala naman ang lokal na pamahalaan sa mga motorista na laging mag-ingat sa pagmamaneho at siguruhing nasa tamang kondisyon ang mga sasakyan at driver upang makaiwas sa disgrasya.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News