Nanawagan ang pamunuan ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City sa mga kaanak ng 103 na pumanaw na pasyente na kunin na ang mga ito sa kanilang morgue. Karamihan umano sa mga ito ay nasawi sa COVID-19.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing noon lang Setyembre 19, mayroong 19 na pasyente ng ospital ang nasawi dahil sa komplikasyon sa COVID-19, at nadagdagan ng pito kinabukasan, Setyembre 20.
Sa huling tala umano ng cadaver management team ng ospital, umaabot na 103 na bangkay ang nakalagak sa kanilang morgue ang hindi pa nakukuha, at karamihan ay pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.
Kaya naman nakikiusap sila sa mga kaanak ng mga nasawi na magpadala kahit mga kinatawan lamang upang makuha na at mailibing ang mga bangkay.
Sinabi naman ni Davao City Mayor Sara Duterte na mayroong nag-donate ng 40 foot refrigerated container van na puwedeng paglagakan ng mga bangkay. --FRJ, GMA News