Isang 53-anyos na duktora ang nasawi matapos siyang pagbabarilin habang nagbibigay ng reseta sa garahe ng kaniyang bahay sa Pilar, Abra.  

Sa ulat ni Marjorie Padua sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Amortrina Dait, ng Barangay Poblacion sa bayan ng Pilar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nasa gate ng kanilang bahay at nagbibigay ng reseta ang biktima nang mangyari ang pamamaril.

Puwesto umano ang salarin sa harapan ng bahay at tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa ina ng biktima na si Lydia Dait, may nakita siyang lalaki na nakasakay sa motorsiklo matapos ang insidente.

Wala siyang malaman na dahilan para patayin ang kaniyang anak na kilala umano na mabuting tao.

Nagtamo ng tama ng bala sa hita ang biktima at binawian ng buhay kinalaunan sa ospital.

Nakakuha umano ang mga imbestigador ng limang basyo ng bala mula sa M-16 rifle sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa pulisya, ilang anggulo ang pinag-aaralan na posibleng motibo sa krimen kabilang ang personal na away, tungkol sa trabaho, away sa pamilya, at pulitika.

Napag-alaman na tumakbong alkalde sa Pilar ang biktima noong nakaraang halalan pero natalo.

Ngunit sinabi ni Aling Lydia na walang balak tumakbo sa darating na halalan ang kaniyang anak.

Hiling pa ng ina, mabigyan ng hustisya ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News