Patay ang isang batang lalaki sa Dumalinao, Zamboanga del Sur, matapos tagain sa ulo ng kapitbahay nilang may problema umano sa pag-iisip.
Ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, umakyat ang ama ng biktima sa kuwarto para kumuha ng pambili ng ulam at iniwan sa kusina ang 3-anyos na anak kasama ang isa pa nitong kapatid.
Bigla na lang daw may kumalabog at nakita na lang niyang nakabulagta ang anak at duguan.
Tatagain din daw ng salarin ang kapatid ng biktima pero napigilan na ito ng ama ng mga bata. Dito na tumakbo ang salarin.
Dinala ng ama sa ospital ang anak pero binawian na ito ng buhay sa daan.
Nahuli ang suspek pero hindi na raw ito makakasuhan dahil sa kaniyang kondisyon. Napag-alaman na kababata ito ng ama ng biktima. --KBK, GMA News