Nahuli-cam ang ginawang pagsuntok ng isang rider ng motorsiklo sa traffic enforcer na sumita at nagtiket sa kaniya dahil sa paglabag sa batas trapiko. Ang rider, driver ng isang mataas na opisyal ng Mandaue City-LGU sa Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing sinita ng enforcer na si Nathaniel Mendoza ang rider na si Mark Lester Santos, nang mag-right turn ang huli  kahit naka-red signal ang traffic light sa Barangay Basak.

Inisyuhan ng tiket ni Mendoza si Santos dahil sa ginawang paglabag.

Sa CCTV, makikita si Santos na sumakay na sa motorsiklo pero biglang bumaba at doon na niya sinugod at sinapak si Mendoza.

Lumaban naman si Mendoza, at inawat sila ng isa pang traffic enforcer.

Lumitaw na si Santos ay driver ni City Administrator Jamaal James Calipayan, na disyamado sa ginawa ng kaniyang tauhan.

Inirekomenda niya na sibakin sa trabaho si Santos dahil mali raw ang ginawa nito at hindi dapat konsintihin.

Hindi naman nakuha ang panig ni Santos dahil wala siya tanggapan nang puntahan doon ng news team, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News