Nagtamo ng mga sugat ang isang nanay at siyam na buwang gulang niyang sanggol matapos silang mabundol ng isang kotse sa gilid ng kalsada sa Catbalogan, Samar. Ang driver, umaming nakaidlip habang nagmamaneho.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV ng Catbalogan City LGU na kabababa pa lamang ng mag-ina sa tricycle at hindi pa sila gaanong nakalalayo nang bigla silang salpukin ng kotse.
Inararo rin ng kotse ang ilan pang sasakyan sa gilid ng kalsada na nasa harap lang sa headquarters ng Catbalogan Police.
Kaagad na dinala sa pagamutan ang mga biktima.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Francisco Sumpo Jr., ng Catbalogan City Police Station, nagtamo ang nanay ng mga bugbog sa bandang paa, samantalang nagkaroon ng mga gasgas at bukol ang sanggol.
Sumailalim din sa CT scan ang mag-ina at mabuti naman ang kanilang resulta.
Inamin umano sa pulisya ng nakabanggang driver na nakatulog siya.
"Galing silang Manila, papuntang Cotabato, siguro kulang 'yung tulog niya or hindi pa nakatulog. Inamin niya na nakaidlip [siya]. Na-timing na nasa gilid 'yung magnanay kaya tinamaan," ayon kay Sumpo.
Nakalabas na sa ospital ang inang biktima nitong Martes, pero naiwan pa ang sanggol, na patuloy na inoobserbahan.
Agad ding pinakawalan ang driver matapos pumayag ang panig ng biktima na sasagutin na lamang niya ang lahat ng gastusin sa pagpapaospital ng mag-ina at pagpapa-ayos sa nasirang tricycle.--Jamil Santos/FRJ, GMA News