Nasawi ang magkapatid na lalaki na edad sampu at siyam sa isang palayan na naimbakan ng tubig-ulan sa Bayambang, Pangasinan. Tinangka raw sagipin ng kuya ang mas bata niyang kapatid na naunang nalulunod pero pareho silang hindi nakaligtas.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya noong Sabado sa mga biktimang si Ronel Santos, 10, at Joseph, 9.
Katatapos lang daw mag-agahan ng magkapatid kasama ang kanilang lola nang maglaro ang dalawa sa labas ng kanilang bahay.
Hindi alam ng lola, inaaya ang magkapatid ng tatlo pang kaibigan na maligo sa binahang palayan na malapit sa kanila.
Naimbakan ng tubig ang palayan matapos ang pag-ulan sa lugar. Pero sa gitna ng bukid, mayroon palang malalim na bahagi kung saan nalunod ang makapatid.
Una raw nalunod ang mas batang kapatid at tinangka siyang sagipin ng kaniyang kuya pero pareho silang hindi nakaligtas.
Napag-alam na yumao na ang ama ng makapatid at ang ina at lola nila ang nag-aalaga sa kanila.
Sa gitna ng pagdadalamhati, nanawagan ang pamilya ng tulong para maipalibing ang magkapatid.--FRJ, GMA News