Sinuspinde sa loob ng 15 araw ang babaeng traffic enforcer sa Consolacion, Cebu na nanapak umano ng food delivery rider na hindi raw tumigil nang senyasan na dahil mayroon pang mga tumatawid.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing bukod sa sinuspinde si Maricris Vallejos, pinagmulta rin siya dahil ibinaba niya ang face mask nang mangyari ang insidente.
Nagmamando umano ng trapiko si Vallejos sa Barangay Lamac nang dumating ang rider na si Marcelino Sabucido Jr., sakay ng kaniyang motosiklo.
Iginiit ni Vallejos na hindi raw huminto at pagpatuloy si Sabucido habang nakasenyas siya dahil may mga tao pang tumatawid.
Idinagdag ng lady traffic enforcer na hindi niya intensyon na manapak.
Nag-viral sa social media ang insidente at umani ito ng iba't ibang reaksyon sa netizens.
Napanood din ni Consolacion mayor Joannes Alegado, ang video at sinabi niyang parehong may pagkakamali ang dalawang panig.
Kaya iniutos niya na suspendihin ng 15 araw si Vallejos at pinagmulta din dahil sa ginawang pag-alis ng face mask.
Payo ng alkalde sa publiko, sundin ang traffic rules at huwag pairalin ang init ng ulo.
Tanggap naman ni Vallejos ang parusa sa kaniya pero itutuloy pa rin daw niya ang kaso laban kay Sabucido na nahaharap sa reklamong disobedience of a person in authority.--FRJ, GMA News