Walang kawala ang isang babaeng nahuli-cam na nagnakaw ng mga paninda sa isang grocery store sa Dingle, Iloilo, na aabot sa mahigit P32,000 ang halaga.
Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional News nitong Miyerkules, makikita sa CCTV sa loob ng tindahan ang babaeng suspek at isa pang lalaki na tila tumitingin ng mga paninda.
Pero ang babae, pasimple na palang isinisilid sa kaniyang bag ang mga ninanakaw na produkto, kabilang ang mga sigarilyo.
Pasimple siyang lumabas ng tindahan at nang makitang sinusundan siya ng empleyado ay kumaripas siya ng takbo.
Kinalaunan, nahuli rin ang babae at ang tatlo pa niyang kasamahan.
Kinilala ang mga suspek na si Janice Perez, 34-anyos, Mae Jiz, 24, Dave Buenafe, 22, at Joseph Apolto, 34, na driver umano ng taxi na gamit ng grupo sa pagtalakas.
Napag-alaman ng pulisya na dati nang nakulong sina Perez at Jiz sa kasong pagnanakaw din pero nakalaya matapos magpiyansa.
Ayon kay Police Major Jonah Morana Galicha, hepe ng Dingle municipal police station, modus ng grupo na may isang bibili ng mga produkto sa halagang P500, habang ang ibang kasamahan ay magpupuslit ng ninakaw na produkto.
Sinabi pa ng opisyal na sanay at organisado ang grupo dahil mayroon itong tagapagpiyansa kahit isasampa pa lang ang kaso. --FRJ, GMA News