Patay na nang matagpuan ang tatlong magkakamag-anak na naglalako ng paninda ilang oras matapos silang harangin at sapilitang isama ng mga armadong lalaki sa Palanas, Masbate.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Jose Lalaguna, 51-anyos; Joey Lalaguna, 30; at Jestoni Lalaguna, 22-anyos.
Ayon sa pulisya, sakay ng mga motorsiklo ang mga biktima kasama ang dalawang menor de edad para maglako ng mga panindang speaker, salamin at floor mop nang harangin sila ng armadong grupo na tinatayang nasa 30 katao sa Barangay Miabas.
Kuwento ng mga menor de edad na nakaligtas, ipinasulat ng grupo ang kanilang mga pangalan at tiningnan ang kanilang wallet at mga produkto para matiyak na wala silang dalang armas.
Pinayagan daw ang mga menor de edad na umalis pero sapilitan na isinama ng grupo ang tatlong biktima.
Kaagad na nagtungo sa barangay ang mga menor de edad, at sinamahan sila sa pulisya para makapag-report.
Pero makalipas ang ilang oras, nakita na ang bangkay ng tatlo na may mga sugat at bugbog.
Nanawagan ng hustisya ang mga kaanak ng mga biktima dahil wala umanong kasalanan ang mga ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at katuwang ang militar para matukoy kung sino ang mga salarin.--FRJ, GMA News